Mahirap ang training na ibinigay sa kanilang lahat. Pantay-pantay at walang paborito. Ilan sa kanila ang sumuko na at hindi na nagpatuloy. Gayunpaman, mas marami pa rin ang nanatili.
Mas nananaig naman ang kagustuhan ni Prin na maging magaling sa lahat ng trainees doon. Bukod sa may dugo talaga siyang mandirigma dahil anak siya ni Rob Matsui, gusto niyang pantayan si Cally balang araw.
Nang araw na iyon, plano ni Prin na lumabas ng mansion para magsanay ng Kendo gamit ang isang wooden sword. Kailangan niya ang magsanay dahil nalalapit na ang group battle.
Mahahati sa tatlong sukatan ang laban ng apat na grupo. At mauuna nga, ang Kendo.
Nakakapag-sanay naman si Prin gamit pa nga ang tunay na katana, kaya malakas ang loob niya at alam niyang mananalo siya.
Napansin naman siya ni Cally na palabas ng main gate habang nagsasanay ito at si Joen. Kumunot ang noo ng binata at nag-excuse sa huli.
Tahimik na sumunod si Cally na halos hindi marinig ang mga kaluskos na gawa niya.
Nasa isip ni Cally na dahil pinababantayan sa kanya ang babae, alam niya na may pananagutan siya kung sakali man na may mangyaring masama rito.
Nakita ni Cally ang lahat ng kilos ni Prin. Kahit ang pagtigil nito sa ilalim ng puno ng sakura hindi kalayuan sa mansyon. Tumigil din siya ilang metro mula rito, sapat lang para makita ang mga kilos at galaw nito.
Kita niya kung paano humugot ng malalim na hininga ang babae para magsimula.
Ilang segundo lang ay parang naging kaisa nito ang hangin at para itong nagsasayaw sa sarili nitong musika. Tumatama pa sa makinis at mala-porselanang balat nito ang papalubog na araw na nakadagdag napakagandang tanawin para sa kanya.
Magaan at hasa ang pagkilos.
Natulala si Cally at halos hindi siya kumurap habang pinagmamasdan ang dalaga. Hindi niya lubos akalain na humusay ang babae sa iilang linggo nila ng pagsasanay.
Hindi niya napapansin na ilang minuto na pala niyang pinagmasdan ang babae. Nagulat na lang siya nang may pumalakpak sa tabi niya.
Hindi niya akalain na sumunod sa kanya si Joen. Kanina pa ba ang lalaki sa kanyang tabi at hindi niya lang namalayan? O masyado siyang nabighani sa pagkilos ni Prin?
Nabigla si Prin na makita doon ang dalawa. Bigla siyang nakaramdam ng hiya.
"Wow! GW8 ang galing mo! Turuan mo ako!" sabi nito habang papalapit kay Prin.
Nakabawi naman agad si Prin dahil kay Joen. Pero hindi niya mai-alis ang paningin kay Cally na papalapit din sa kanya.
"Sige na GW8, turuan mo ako!" pilit dito ni Joen hinawakan pa nito ang sleeve ng damit ng babae.
"Ayoko! Tigil-tigilan mo nga ako!" singhal dito ni Prin.
Nakatitig naman si Cally sa paghawak ni Joen sa manggas nito. Kumunot ang noo niya. Hindi naman siya nakaramdam ng inis pero gusto niyang ilayo si Joen dito.
"Huwag mo na siyang kulitin. Ako na ang magtuturo sa iyo." sabi dito ni Cally.
Natuwa naman si Joen sa nadinig. "Wow! Thank you Cally! Ikaw talaga ang master ko!!!" parang wala sa sarili na sabi nito. Simula ng pigilan kasi ito ni Cally, tinatak nito sa isip ang mga payo ng binata na huwag kalimutan kung bakit ito nagsimula at mas pinaghisayan niya rin ang training.
Hindi na ito pinansin pa ni Cally.
"You've been good." puri ni Cally kay Prin na ikinatuwa niya ng lihim.
"Salamat." tumatagos sa kaloob-looban ng puso niya ang papuri nito. Tatandaan niya ang araw na iyon dahil iyon ang unang araw na pinuri siya ng lalaki.
"Uhmm… Magdidilim na kaya bumalik na tayo sa Camp." naiilang na sabi niya sa dalawa.
Habang pabalik, pinakikiramdaman niya ang lalaki. "Iilang linggo ka na lang pala mananatili dito. Good luck sa pag-alis mo." hindi niya ipinahalata na nalulungkot talaga siya.
"hmm…" simpleng sagot ni Cally. Makakasama niya naman muli ang lahat ng matitirang trainees kapag lumipat ang mga ito ng training Camp sa UK.
Sakto naman ang pagbalik nila sa camp dahil pinatawag ang lahat ng trainees at pinapunta sa general hall.
Nawawala kasi ang katana na ilang daan taon na at nagmula pa ng Heian period. Ang katana na nakita ni Cally sa loob ng training room para sa personal guards sa loob mismo ng tirahan ng mga Matsui.
Pumila sila ng maayos base sa normal na ginagawa kapag may pagsasanay mula sa mga guro.
"Kung sino man ang kumuha ng Katana ay umamin na. Lilitaw din naman ang pangalan mo bago sumikat ang araw kinabukasan, kaya payo ko sa kumuha na kung sino ka man, mas mabuti pa na ilantad mo na ang sarili mo." sabi ni Rob sa lahat.
Tahimik ang lahat at walang nagsasalita sa loob ng minuto.
"Sisiguraduhin ko na hindi basta parusa ang igagawad ko kaya mas mabuti pa na ilantad mo na ang sarili mo."
"Master, iilan lang naman ang nakakapasok sa loob ng tahanan niyo. Sigurado na isa lang din sa kanila." si Levan Hung or MB16 ang nagsimulang sumagot kay Rob.
"Kung hindi ang mga Leader, siguradong si Cally dahil madalas namin siya na makita na pumapasok ng lihim sa loob." sarkastikong sabi nito.
Seryoso lang si Cally na tiningnan ang kasama niya na si MB16. Sigurado siya na maingat siya sa pagpasok at paglabas ng bahay ni Rob. Kaya paano siya nito nakita?