Nanunuot ang hamog sa buong kapaligiran, sa lugar na iyon sa UK. Nasa loob siya ng isang kulungan na gawa sa bakal na hinihila ng isang sasakyan papunta sa gawing norte.
Dinukot siya ng Pamilya ng Peters kaya alam ni Cally na nagsimula na ang laban sa pagitan ng mga ito laban sa pamilya niya - ang Pamilya Kent.
Pinipilit niya na hindi makatulog sa nagaganap.
Hindi pwede na mawalan siya ng malay dahil sa sobrang ginaw. Naisip niya ang Mama niya, ang Daddy niya at ang tatlo pa niyang mga kapatid.
Isa pa, hindi maaari na mamatay siya doon. Sigurado siya na iiyak ang Mama niya. Magdedeklara ng digmaan ang Dad niya. At hindi matatapos ang laban sa pagitan ng lahat.
Sa loob ng ilang taon, nagsikap si Cally na angatan ang kung anuman ang narating ng magulang niya.
Kaya nga ilang taon din siyang nag-train. Dahil alam niya na noon pa man, siya ang Prince of 'Dark Lords' na magiging Master sa buong samahan pagdating ng takdang panahon.
Nagising sa kaisipan si Cally dahil bigla na lang may lumipad ng babae mula sa kung saan sa ibabaw ng kulungan.
"Gilid!" sabi nito.
Sinunod naman niya ang nais nito. May kinabit ito na kung ano sa rehas na bakal na nakapagpatunaw sa bagay na 'yun.
Habang unti-unting umiinit at natutunaw ang rehas, napansin sila ng isang bantay mula sa loob ng sasakyan.
"Hoy!" sigaw nito at nagmadaling lumapit sa kanila. Pero ilang dipa pa lang ang layo nito sa kanila ay may inilabas nang animo'y karayom ang babae dahilan upang maparalisa ng kaunti ang lalaking iyon.
Hindi nito naigalaw ang katawan na tinusukan ng karayom.
Ngumisi lang ang babae. Ilang minuto pa, natunaw na nang tuluyan ang bakal at agad na lumabas si Cally.
Noon lang nasuri ng mabuti ang babae sa malapitan.
Mahaba ang buhok nito na naka-pusod ng mahigpit. Wala ni isa man na hibla ng buhok ang nalipat sa ibang pwesto.
Mata na maihahalintulad sa diyamante, maganda at kumikinang.
Sa height ni Cally na naglalaro sa anim na talampakan at higit pang pulgada, sa tingin niya nasa limang talampakan at limang pulgada ang tangkad nito.
Makinis ang mukha, matangos ang ilong at manipis ang labi.
Napaisip si Cally na may mali sa sitwasyon.
Iniligtas ba siya ng isang prinsesa?
"Bago pa nila tayo mahuli, kailangan na natin umalis!" sabi nito sa kanya.
Doon lang nakabalik si Cally sa reyalisasyon.
"Who are you?" tanong niya dito.
"Cally, are you joking? Prin Matsui. Remember?" nagtaas ang kilay nito at parang hindi makapaniwala sa kanya.
Agad din namang naglaho ang imahe at ang pangyayaring iyon nang bumalikwas ng bangon si Cally.
Mabilis ang tibok ng puso niya. Nitong mga huling araw, madalas niyang mapanaginipan ang babae.
Nasasaktan siyang isipin na namatay ito dahil sa kapabayaan niya.
"Prin…" usal niya sa pangalan ng babae.