Hindi nagustuhan ni Prin ang mga sinabi ni Sean tungkol kay Cally kaya hinamon niya ito na maglaban sila sa laro.
Nagbulungan ang ibang estudyante na nasa paligid nang marinig ang hamon niya.
"Nababaliw na ba siya? Sikat na player si Sean, ang lakas naman ng loob niya na hamunin si Sean?"
"Sinabi mo pa."
Pero meron din naman na na-aaliw sa hamon ni Prin.
"Hmm.. mukhang exciting ito."
"Panonoorin ko ito sigurado."
"Let's see kung matalo nga niya si Sean."
Napatingin si Sean sa paligid at napansin na naghihintay ang mga estudyante sa isasagot niya. Wala pang humamon sa kanya na tulad ng ginagawa ni Prin sa oras na iyon.
"Anong sports ang gusto mo?"
"Name it" sagot ni Prin.
"Are you sure baka naman jack en stone lang ang alam mo?" nang-iinis pa na tanong nito.
"Prin, are you sure?" nag-aalala na tanong ni Bella sa tabi.
"1,000 percent sure. Kapag natalo kita, ayoko na kulit-kulitin mo pa ako dahil sinisira mo ang umaga ko." naiinis na sabi niya dito.
"Sige. Pero kapag natalo kita…You will be my girlfriend."
Nagtaas ang kilay ni Prin. "Deal!"
Naisip ni Sean na Football ang laruin nila ni Prin pero nakita niya kung paano tumira ang dalaga ng sipain nito pabalik ang bola nu'ng nakaraan.
"What about basketball? Pero i-shoo-shoot lang ang bola. Tig-sampung tira. Kung sino ang makashoot ng madami, siya ang panalo" tanong nito.
"Shoot!"
"Meet me in basketball court at 4 PM. Pero gusto kong sabihin na unang laro pa lang ang mamaya. Tatlong laro ang paglabanan natin para mas exciting!" sabi nito saka umalis.
Hindi na pinansin pa ni Prin ang lalaki at tumuloy na sa klase.
"Prin, are you sure?" tanong ni Bella sa kanya.
"Of course!"
"Magaling siya sa Basketball. Kapag natalo ka niya, paano na si Cally?"
Hinarap ni Prin si Bella. "Huwag kang mag-alala, dahil hindi niya ako matatalo." determinadong sabi niya. Gusto niyang turuan ng leksyon si Sean sa pagsabi nito na walang kwenta si Cally.
Gusto niyang gulpihin ang lalaki dahil sa sinabi nito pero nasa eskwelahan sila at hindi siya pwedeng magpadalos-dalos.
Pagsapit ng alas kwatro ng hapon, maraming tao ang naghihintay na manood ng laban ni Prin at Sean. Ang ibang manonood ay mga tagahanga ng lalaki, ang iba ay nakikiusyoso lang, ang iba naman ay gustong malaman kung sino ang humamon kay Sean.
Nakasuot si Prin ng bestida at ni hindi man lang nag-aksaya ng panahon na magpalit ng damit. Naniniwala siya na hindi dapat pag-aksayahan ng panahon si Sean para bumili pa siya ng damit at mag-ayos ng sarili. Sapat nang pumayag siya na labanan ito.
Eksakto alas kwatro, nasa bungad na siya ng basketball court. Nagsabi siya kay Cally na mahuhuli lang siya ng kaunti para puntahan ito sa opisina.
Nakita niya si Sean na naka jersey, shorts at rubber shoes.
Kumunot ang noo nito na makitang naka-bestida pa rin siya. Pero ngumisi nang makalapit siya dito.
"Mukhang hindi ka na nagsuot ng active wear. Suko ka na ba at gusto mo na akong maging boyfriend?" sabi nito.
"Sorry but my answer is still 'No'. I am okay having this dress, no need to change because shooting lang naman ang usapan." pang-babara naman niya dito.
Naintriga ang mga nanonood. Halos isipin na rin kasi nila na suko na si Prin at pumapayag na ito sa gusto ni Sean.
"Bilisan na natin dahil naghihintay sa akin ang boyfriend ko."
"Sinong mauuna?" tanong ni Sean.
"Mauna ka na. Ako ang susunod." mungkahi ni Prin.
Ngumisi lang si Sean. "Sure! Pero ngayon pa lang sasabihin ko na sa iyo na magaling ako sa basketball at hindi kita pagbibigyan kaya i-ready mo na ang sarili mo na maging girlfriend ko."
Umupo lang si Prin sa bungad kasama ng audience.
Tumayo na si Sean sa free throw line. Nagbigay pa ito ng flying kiss sa mga tagahangang babae.
Parang wala sa mood si Prin nakaupo at naghihintay ng turn niya. Nagsimula si Sean na tumira ng bola. Una, Shoot. ikalawa, shoot. Ikatlo, shoot muli.
Nagtitilian ang mga babae sa loob ng court. Dumating si Bella mula sa klase nito.
"Naku Prin, wala pang 'missed' si Sean." nag-aalala na sabi nito.
Ikawalong shoot ni Sean, missed.
"May missed na siya." nakangiti na sabi ni Prin kay Bella.
"May missed, pero pang-walo na iyon dear…"
"It doesn't matter." sabi ni Prin.
Nawiwirduhan sa kanya si Bella pero hinayaan na lang siya nito. Ang ika siyam at ika sampu na tira ni Sean ng bola ay parehas na shoot. Over-all, he got nine points.
Lumapit ito sa kanya . "Paano ba iyan. Aasahan ko na ba na maging girlfriend kita?"
"Sorry na lang. Ayoko na maging boyfriend ka. Saka, akala ko ba unang laro pa lang ito?" tanong ni Prin sa lalaki.
"You'd better think about our next game because I will win this round." mayabang na sabi niya dito saka tumuloy sa free throw line.
Ginamit ni Prin ang kakayahan niya na gamitin ang paningin at pwersa para ma-shoot ang bola. Sa totoo lang, napakadali ng laro na iyon sa kanya.
Shooting for Dark Guards? Kayang kaya nga nilang tumira ng bala sa noo sa malayuan. Shooting a ball is nothing.
Unang tira, shoot. Pangalawang tira, shoot. Naghihiyawan na ang mga estudyante. Naging interesado tuloy sa kanya ang karamihan.
Kinabahan si Sean nang makashoot si Prin hanggang sa lima hanggang sa umabot ang lahat ng tira niya ng sampu. Tinira niya pa ang huli habang nakatingin sa lalaki.
She got perfect ten score! Nilapitan niya si Bella na natulala at saka inaya na itong lumabas ng court na parang walang nangyari.