Chapter 100 - Beach Volleyball (3)

Name:Love Me, My Prince Author:Feibulous
Nagsimula na ang ikalawang-set ng laban. 

Naiinis si Kai sa pagmumukha ng lalaking Carter ang pangalan. Hindi niya agad naintindihan ang mensahe nito nang higpitan nito ang kamay niya. Iyon pala, may nais ipamukha ang lalaki sa kanya. 

Akala siguro nito ay madadaan siya sa mga galawan nito na simple. 

Si Kai ang nag-serve ng bola. Pinalo niya ito ng malakas diretso sa pagmumukha ni Carter. Hindi naman nagpatalo ang lalaki. Natuwa pa nga ito sa reaksyon ni Kai. Iyon din naman talaga ang plano nito ang inisin talaga siya para mawala siya sa focus ng laro. 

Sinalubong ng braso nito ang bola at alerto ang kasama nito na pinasa ang bola saka umatake ng spike. 

"Block, Kai, Block!" sigaw ni Prin. Ginawa naman ng lalaki. 

Bumalik ang bola at nasalo muli ng kalaban. Isang spike muli ang pinatira nito at nasalo ng braso ni Prin. Pinasa, nag-serve at umatake ng spike si Kai. Sumobra naman ang tira niya at lumagpas sa court. Puntos sa kalaban.

"Ahhhh!!!" hiyawan sa paligid. 

Prin "...." 

Mukhang manalo o matalo madami pa ring fans ang leader niya. Ang mahalaga sa mga ito ay ang pagkilos ni Kai. 

Maganda ang ngisi ni Carter kay Kai. Katulad ng laban nila sa Green Lanterns kaya seryoso ang lahat ng nanonood. Masasabi ni Prin, na nabigyan sila ng patas na laban. At iyon ang gustong-gusto niya. Mas ginanahan siya sa paglalaro. 

Tuwang-tuwa naman ang mga nanonood sa halos hubad na katawan niya habang kumikilos sa gitna ng court. Sumisilip na kasi ang puwitan niya sa bikini na suot. 

Nagpatuloy ang laban. Nagpalitan ng serve, pass, set, spiking at blocking ang dalawang team. 

Pati tilian ng mga nanonood ay umiikot sa buong court. 

Pare-parehas na magaling ang mga players at halata na gusto talaga na manalo. Nag-aapoy na ang mata ni Kai at halata na gusto nang tapusin ang laban. 

Pigil ang hininga ng lahat dahil isang puntos na lang ang parehas na team, malalaman na ang magwawagi sa ikalawang set. 

Tinira ni Carter ang bola mula sa kabilang net. 

"Go go go Leader! Tapusin na natin ito" sigaw ni Prin para wala ng ikatlo pang set. 

Sinalubong ni Kai ang bola. Napasa kay Prin. Nagserve si Kai at saka siya nagpakawala ng isang atake. Na-block ng kalaban pero nahabol muli ni Kai. Nagserve na naman ang binata para makatira muli siya ng masarap ng Spike. 

"heto'ng sa inyo!" hiyaw niya kasabay ng muling pag-atake. 

Ang maganda sa tandem ni Prin at Kai, mayroon silang pagkakaunawan at koneksyon sa gagawin kahit hindi sila nag-uusap. 

Na-block ng kalaban pero tumalsik sa kamay nito. Napalayo ang bola mula sa kamay ni Carter pero nahabol ng isa sa halos kaduluhan na ng court. Nasalo ng braso nito ang bola pero alanganin na kay Carter. Mukhang nawala rin sa sarili si ate at tinira muli ang bola. Foul! 

At dahilan para manalo si Prin at Kai. 

"Ahhhhh!!!!" tilian ng mga ka-eskwela nila. 

Masaya si Prin at ganoon din si Kai. Nagtatalon siya sa tuwa. Tinakbo sila ng mga kasama sa Volleyball at nag-group hug kasama ng assistant ng Dean. 

Tinawag niya si Bella na naiwan na nakaupo. Tumakbo ito sa gawi nila at sumali sa group hug. 

"I told you My angel, I will definitely win" sabi ni Kai. Masaya ang ngiti ni Bella. Hindi na nga napapansin ng dalawa na tanging silang dalawa na lang ang magkayakap. 

Galit naman ang grupo ni Carter. Lalo at nakatingin ito sa gawi ni Bella at Kai na nagyayakapan.

Si Prin naman ay kinikilig sa tabi. Panay ang talon niya dahil sa saya. Nagawa niya pang damputin ang bola na nasa lapag at nagtata-talon na parang bata. 

Nag-iikot siya at nagtata-talon ng mahagip ng mata niya ang naka-polong lalaki sa kabilang dulo ng court. Nakahalukip-kip ito at nag-aapoy ang mata sa galit. 

Nanlaki ang mata ni Prin at nabitawan niya ang bola na makita si Cally. 

"Shiiit! I'm dead!" 

Narinig siya ni Kai at napalingon ito sa gawi ng tinitingnan niya. Napalunok pati ang binata. 

"Sh*t! I told you! Labas ako dito!" paghuhugas-kamay nito.

=====

Walang nagawa si Prin nang abutan siya ni Cally ng isang trench coat. Mabilis ang mga hakbang nito na halos iwan siya pabalik ng sasakyan. 

"Got to go guys!" paalam niya sa mga kasama at mabilis na sumunod kay Cally. 

"Husbie…" habol niya. Naabutan niya na ito sa sasakyan. Umupo ito sa likod. 

Binati niya si Xander na nakaupo sa driver seat na nakangiwi. Saka siya maayos na umupo sa likuran. 

"Husbie…" Sinubukan niyang suyuin ito pero parang may maitim na usok ang nakapaligid sa asawa niya. 

"H-honey, sweetheart, my loves so sweet…" nakangiwi na sabi niya. Pero wa-epek sa lalaki. 

Natahimik na siya. Sinesenyasan siya ni Xander sa unahan na 'wag Miss Prin'. Panay ang iling nito ng lihim, nagsesenyasan silang dalawa dahilan para manahimik na lang siya. 

Kinuha na lang niya ang cellphone. Nakita niya ang selfie ni Bella at Kai. Namumula pa ang mukha ng kaibigan niya sa larawan. 

Narinig niya na may tinawagan si Cally sa tabi. 

"Suspended si MB5, please send him to his family ng isang buwan." utos nito sa kabilang linya na sa tingin ni Prin ay si Lorenz, bilang ito ang pinuno ng Dark Guards.

Nabigla na lang si Prin nang huminto ang sinasakyan sa Airport at nagtataka na sumunod kay Cally.