Naisip ni Prin na paglaruan ang walong kidnappers niya. Akala ba ng mga ito ay simple lang na imbitahan siya sa ganoong klase ng lugar. Hmp! Sisiguraduhin niya na matuturuan niya ang mga ito ng leksyon.
Tumawag ng pizza delivery ang lalaki tulad ng nais ni Prin. Umupo siya sa tapat ng kwadradong mesa saka dumekwatro.
"Magsiupo kayo d'yan sa harap at magbigay kayo ng jokes sa akin. Simula ngayong oras ay tatawagin niyo akong 'Master'" utos niya.
Parang mga batang estudyante na biglang bumait ang walong lalaki. Humilera ng upo ang mga ito sahig.
Ang isa na binaril niya sa binti ay hindi na kinakaya ang sakit dahilan para mangasul na ang labi nito. Halos wala na ring dugo na lumabas sa binti nito
"M-master, hindi na kaya ng katawan ko. P-pwede na ba akong lumabas para matanggal lang ang bala?" nakikiusap na sabi nito kay Prin.
Nagtaas ang kilay niya "Hindi Pwede! Maghanap ka dito ng gagamot ng sugat mo. Pero bago ang lahat mag-joke ka muna!" utos niya habang iniikot-ikot sa mga daliri ang baril na hawak.
"S-sige mag-j-joke na po ako…" sabi nito na halos takasan na ng kulay. Gustuhin man ni Prin na maawa dito ay hindi niya magawa dahil sigurado siya na sanay ang mga ito na gumawa ng masama. At hindi naman siya anak ni Saint Mary para maawa sa mga may atraso sa kanya.
"H-heto na ang Joke ko… M-may tatlong lalake ang tumalon sa tubig, I-ilan ang nabasa ang buhok?" halatang nahihirapan na ito.
"Kayo ang sumagot" utos niya sa mga kasama nito.
"Ilan?!" sabay-sabay na tanong.
"W-wala! Kalbo kasi silang lahat e."
"Ha ha ha!" Nagsipagtawanan ang mga kasama nito.
Nanatiling seryoso ang mukha ni Prin. Ang totoo, naaliw siya sa Joke pero hindi niya pinahalata dahil gusto niyang makipaglaro sa mga kidnappers niya. Lalaruin niya ang walong lalaki hanggang sa ito na lang ang susuko at hindi na papangarapin pa na makita ang kahit katiting na anino niya.
Natahimik naman ang mga 'hostage' niya nang mapansin na wala siyang reaksyon. Isang malakas na lagabog na lang ang narinig nila dahil hinimatay na ang lalaking binaril niya sa binti.
"Sino ang gustong gumamot sa kanya?" tanong ni Prin.
Nagkatinginan ang pitong lalaki at nagturuan.
"Mayroon kayong patalim di ba? Kapag ako ang gumawa niyan, sigurado na hindi niyo magugustuhan. Dahil gagamitin ko ang balisong para ilabas ang lahat ng laman ng binti niya bago ko kunin ang bala. Tapos isasalpak ko na lang pabalik. Gagamitin ko ang stapeler pantahi. Ano?"
Napalunok ang mga lalaki dahil sa narinig. Na-iimagine na kasi nila ang sinabi ni Prin.
"A-ako na lang po ang gagawa." sabi ng lalaking mataghiyawat ang ilong.
"Papayagan lang kita kung magbibigay ka ng joke" nakataas ang kilay na sabi ni Prin dito.
"Ah.. ahm… B-bakit gising magdamag ang mga bampira?" tanong nito.
"Bakit?" tanong ng iba.
"Dahil nag-aaral sila para sa kanilang Blood Test. Ha ha ha"
Pinukulan lang ni Prin ang lalaki ng masama dahil sa korni na Joke nito. "Sige na! Doon kayo sa papag na dalawa."
Sinimangutan niya ang anim pang lalaki. "Next Joke!"
Naglakas loob na ang isa sa anim. "Ano ang mangyayari kapag nahulog ang pulang sumbrero sa asul na dagat?"
"anoooo?" tanong ng mga kasama.
"E'di mababasa ang sumbrero." sagot.
"Ha ha ha!!!" nagtawanan ang mga kasama nito na parang mga bata sa Goin' Bulilit. Seryoso lang si Prin at kunwari ay kumunot ang noo.
Nahalata ng isa kaya binatukan nito ang kasama. "Gago ka! Ang korni ng Joke mo!"
"A-ako na lang, Master ang sunod na magbibigay"
"ah… ano ang tawag sa anak ng taong grasa?"
"Anooo?"
"Eh di, Baby Oil!"
Humagalpak ng tawa ang lahat. Naaaliw si Prin pero hindi niya nagugustuhan na nag-eenjoy ang mga ito. Nagpaputok siya ng bala muli sa kisame dahilan para matapos ang tawanan. Napalitan ng seryoso ang mukha ng mga ito at tumuwid ng pagkakaupo at halos takasan na ng kulay.
"Gag* ka talaga, hindi natutuwa si Master!"
"M-Master, Parang awa niyo na… W-Wala na po kaming maisip." sabi ng isa.