Sa Kent Mansion sa UK...
Bitbit ang laylayan ng mahabang gown na suot ay patungo sa malaking pintuan si Madam Lira.
Nakatanggap siya ng isang imbitasyon mula sa dating kaibigan kung saan siya patungo sa mga oras na iyon. Isang doktor na magsasaya ng ika-animnapung kaarawan nito.
Sa araw na iyon, naisip niyang isama ang anak na si MC na kasalukuyang nakatira sa Kent Mansion. Ngunit may kailangan din itong asikasuhin sa parehas na petsa kaya si Lorenz ang napili niya na isama.
Nasa 70s na ang edad ng ginang kaya kita na ang gray na buhok niya. Bahagya na rin na kumulubot ang balat at nakakaramdam na rin siya ng mga sakit-sakit sa katawan.
Sa loob ng ilang taon, matapos na bawian ng buhay ang ama na si Master Kent ay siya na ang namahala sa buong organisasyon na naging daan para magkaroon ng mga taksil sa Dark Lords.
Hindi gusto ng ilan na siya ang mamuno sa kasalukuyan kaya hinahanda niya si Cally.
Huminto ang isang black limousine sa harapan ni Madam Lira at lumabas si Lorenz sa driver seat. Nakasuot ng itim na tuxedo ang binata sa unang pagkakataon dahil required ang lahat ng bisita sa pagdidiwang ang magbihis ng pormal.
"Mama Lira!" bati nito saka nagmano sa madam.
Napangiti ang ginang. Matuturing niyang isa sa mga apo ang batang si Lorenz. Kahit ang buong pamilya niya ay pamilya na rin ang turing dito. Madalas nga lang na napapansin niya na lumalayo ang loob nito dahil sa hiya sa kanila.
Pasikreto nito na sinusuportahan ang bunsong kapatid na nasa Pilipinas. Hindi alam ng kapatid nito na may Lorenz na sumusuporta sa pag-aaral nito. Kilala ni Lorenz ang dalaga, pero hindi ng kapatid ng binata.
At hindi iyon lingid sa kanya. Madalas niya kasing kamustahin sa binata ang kapatid nito na si Andrea.
Sinakay siya nito sa loob ng sasakyan.
"Bakit ikaw ang nagmaneho?" usisa ng madam. Gusto niya kasi na maka-kwentuhan ang binata.
"Gusto ko kayong pagsilbihan Mama Lira habang nandito pa 'ko" simpleng sagot nito.
Wala na siyang nagawa nang isakay siya nito sa likurang bahagi ng sasakyan kaya hinayaan niya na lang na ito ang magmaneho.
Makalipas ang ilang minuto, huminto ang limousine sa tapat ng Wellesley Knights Bridge, isang magarang hotel.
Binuksan ni Lorenz ang lock para iabot ang susi sa valet. Ngunit hindi niya inasahan ang mga sumunod na nangyari.
Nang makababa ay laking gulat niya na makitang may humablot kay Madam Lira sa likurang bahagi sa loob ng sasakyan kasabay ng pag-unlock niya nito. Nakasuot ng puting suit na katulad ng deskripsyon ni Kai sa kanya sa telepono ang lalaking humila kay Madam Lira.
Tumiim ang bagang niya na mabilis na lalapitan sana ito.
"Subukan mong lumapit!" ang sabi habang nakatutok ang isang calibre 45 sa sentido ni Madam Lira.
Walang nagawa si Lorenz kun'di ang magmura.
Nakadagdag sa pagkabigla niya ang paglitaw mula sa kung saan-saang parte ng lugar ang sampu pang mga lalaki na nakaputi. Pasikreto na binuksan niya ang GPS ng suot-suot na relo na nakalaan sa isang Shogun.
Mabilis na umalerto ang signal sa computer Room ng Dark Guards sa Matsui Villa sa Japan.
Matalim ang tingin ni Lorenz sa lalaking naka-puti na may hawak na armas. Siguradong hindi niya mapapatawad ang sarili niya kapag may nangyaring masama kay Madam Lira.
Naghahanap siya ng tiyempo para makuha ang patalim sa sikretong bulsa ng suot na pantalon.
"Bitiwan mo si Mama Lira!" galit na sigaw niya dito.
Ngumisi ang lalaki "Shogun, ikaw ang kailangan namin, hindi naman talaga si Madam Lira!"
Nakuyom ni Lorenz ang kamao.
"Lorenz, I am old. Do not trust this guy!" matapang na sabi ng ginang.
Paano pakikinggan ni Lorenz ang hiling ng taong kumupkop sa kanya? Lalong nanlisik ang paningin niya sa lalaki.
"Bitiwan mo si Mama Lira!" sigaw niya.
Nagsisi si Lorenz kung bakit hindi niya pinasama ang bodyguards ng ginang.
Madalas na may kasamang bodyguard si Madam Lira bilang Mistress ng Dark Lords. Nang araw na iyon ay naisip niya na personal itong bantayan. Dahil malakas ang loob niya na walang mangyayari dito sa poder niya.
"Lorenz, I know why they wanted you. Aside from Cally and Rob, you knew all the secrets behind the organization. Don't mind me, I am old!" paliwanag ng ginang.
Alam ni Madam na hindi siya basta-basta gagalawin ni Gon lalo at malaki ang utang na loob nito sa kanya. Sa araw na iyon, alam niyang si Lorenz talaga ang pakay nito.
Hindi maipaliwanag ang anyo ni Lorenz.. Alam niya ang sinasabi ni Madam Lira, pero hindi niya kaya na makita ito na hawak ng kung sino at may nakatutok na armas sa sentido na kaunting kalabit lang sa gatilyo ay mawawalan na ito ng buhay.
Sinampal ng lalaking nakaputi si Madam Lira gamit ang armas para ipakita sa kanya na kayang saktan ng mga ito ang ginang.
Tumilapon ang ginang sa kasamahan nito na naka-white suit. Dahil may edad na ang ginang, normal na marupok na ang mga buto nito. sa kaunting kilos, ay litaw agad ang galos nito sa balat
Nagdugo agad ang labi ng ginang at gumulo ang naka-french bun nitong buhok.
"Haahh!!" Umangil si Lorenz sa nasaksihan at mabilis na nalapitan ang lalaki. Pinaputukan siya nito pero mabilis niyang nahuli ang kamay nito na may armas. Tinuhod niya ang braso ng lalaki dahilan para mabitawan nito ang hawak na armas. Saka mabilis na nakuha ang nakatagong patalim para sasaksakin ito sa leeg na agad naman nitong napigil. Dumaplis ang patalim at tumama iyon sa balikat ng lalaki.
"Ahhhh!" hiyaw nito. Diniin pa ni Lorenz ang patalim at inikot na para bang magpipihit ng turnilyo. Halata ang galit sa awra niya dahil sa ginawa nito.
*Clap clap clap* Lumitaw sa paningin ni Lorenz si Gon Peter. Nagbigay ito ng senyas at ilang baril ang tinutok ng White guards sa may-edad na babae.
"We will kill Madam Lira kapag hindi ka sumama sa amin" banta ni Gon.
"Gon, don't do this..." hiling ni Madam Lira kahit nanghihina. Bitbit ang ginang ng dalawang White Guards at sa hindi maipaliwanag na dahilan, sumikip ang dibdib niya dahil sa sama ng loob sa batang si Gon. Napahawak ito ng mahigpit sa dibdib at hinabol ang hininga.
Napapikit si Gon para hindi makita ang awra ng ginang. Kailangan niyang iwaksi ang nararamdaman na awa sa matanda sa mga oras na iyon.
Nakita ni Lorenz ang nangyari kaya nawala siya sa pokus. Sinipa siya ng lalaking sinaksak niya sa balikat kaya tumilapon siya. Gumulong ang katawan ni Lorenz saka dahan-dahan na tumayo.
Nakatingin siya sa may edad na babae na anumang oras ay parang babawian ng buhay. Hinahabol nito ang hininga dahil sa sikip ng dibdib.
"Sige, sasama ako... But please.. please bring Mama Lira to the hospital!"
"Deal!" sabi ni Gon.
Matapos makipag-deal kay Gon ay ginulpi si Lorenz ng tatlong nakaputi na suit. Pinagsisipa siya sa tiyan, sinuntok sa mukha. Tumagal ng ilang minuto bago niya narinig na inutusan ni Gon ang mga tao nito na ihatid ang ginang sa ospital.
Saka siya nawalan ng malay.