Unti-unting nagmulat ng mata si Prin dahil tila hinihila ang pagkatao niya ng liwanag na nagmumula sa katabing bintana.
Bigla siyang napasinghap at bumalikwas ng bangon. Noon lang niya napansin na hindi pamilyar ang lugar kung saan siya naroon.
Inikot niya ang paningin sa paligid. 'N-nasaan ako?'
May kakaunting liwanag na sumisingit sa iba't-ibang parte ng paligid na nagmumula sa labas. May bilog na bintana sa tabi niya at asul na karagatan ang natatanaw niya sa labas. Gawa sa matibay na kahoy ang buong paligid ng kwarto, may swing pa na nakasabit sa kisame.
**Cough* Maagiw ang buong kwarto dahilan para maubo siya. Sinuri niya ang sarili. Isang puting bestida ang suot-suot niya. Nasaan ang Dark Suit?
Ramdam niya ang alon dahil tila dinadala siya ng sahig paangat at pabalik muli. Nakaramdam ng hilo si Prin.
Biglang bumalik sa kanya ang huling ala-ala. Matapos niyang mahulog sa bangin, hinila siya ng dagat patungo sa kung saan. Pinilit niya na paganahin ang utak para hindi malunod.
Nagpagulong-gulong ang katawan niya sa ilalim ng dagat hanggang sa makalanghap muli siya ng hangin. Pero ilang saglit lang at kinain muli siya ng tubig dagat.
Pinilit ni Prin na lumangoy, ngunit masyado na siyang nanghihina. Nagsimula siyang magdasal para sa sariling kaligtasan hanggang sa hilahin na naman siya ng dagat.
Ramdam niya na kinakain siya ng isang current at dinadala sa kung saan. Hanggang sa unti-unting magdilim ang paningin niya.
"Gising ka na pala" Naputol ang pagbabalik-tanaw niya sa nangyari nang bumungad sa paningin niya ang mukha ng isang babae.
Sa palagay ni Prin halos hindi nalalayo ang edad nito sa kanya. Makinis ang mukha nito, may kayumangging kulay, itim at alon-alon ang buhok na abot hanggang balikat. Nakasuot ito ng saya at puting blusa.
Para niyang nakita ang live action na anyo ni Esmeralda ng Hunchback of Notre-Dame. Sa palagay niya, pag-aari ng babaeng nasa harapan ang damit na suot niya sa oras na iyon.
"Na-nasaan ako?" tanong ni Prin sa babae.
"Hello! I'm Cassandra. Natagpuan ka namin sa karagatan isang linggo na. Nandito ka ngayon sa barko ni Captain Yeo."
Lumalim ang isip Prin. Kung isang linggo na siyang nasa poder ng iba, kamusta kaya ang asawa niyang si Cally? Nalungkot siya nang maalala si Cally. Narinig niya pa ang pagsigaw nito bago siya tuluyang kinain ng dagat.
Nasa malalim na pag-iisip si Prin nang isang lalaki ang pumasok sa kwarto.
Sa tingin ni Prin ay nasa edad trenta ang lalaki. Mestiso, mapula ang buhok na umaabot sa batok nito, hindi nakaligtas sa kanya ang naghahalong lungkot at talim ng mga mata nito at diretso sa kanya ang paningin nito. May medium built na pangangatawan.
Kung si Cassandra ay maihahalintulad kay Esmeralda, parang Live action naman ni John Smith ng Pocahontas ang lalaki.
Yumukod si Cassandra sa lalaki. "Captain."
Tumikhim si Prin saka nagsimulang magpakilala.
"Hello, I am Prin Matsui" pakilala niya sa dalawang nilalang na nasa harapan.
"Nagpapasalamat ako ng marami sa pagtulong niyo sa akin. Pero, hindi ako maaaring manatili dito." pagbibigay-alam niya na may halong kaba. Hindi alam ni Prin pero masama ang nararamdaman niya sa lalaki.
Tumaas ang kilay nito. "Ikaw ang magpaliwanag sa bagong miyembro" sabi ng lalaki kay Cassandra saka ito tumalikod at lumabas.
Natigilan si Prin, lalo na nang marinig niya ang salitang 'bagong miyembro'. Siya ba ang tinutukoy nito?
"A-anong ibig niyang sabihin?" tanong ni Prin sa babae.
"Pasensya ka na pero… hindi ka na maaaring umalis sa barkong ito." malungkot na sabi ni Cassandra.
Nanlaki ang mata niya.
"A-anong ibig mong sabihin?!" tumaas ang boses ni Prin.
"Hindi na makakaalis ang kahit na sino pang naging miyembro ng barkong ito."
"But I am not part of this!" galit na sabi niya.
Hindi niya na pinakinggan pa si Cassandra at dumeretso sa pintuan kung saan lumabas ang lalaki. Hinabol siya nito.
Isang pasilyo ang natagpuan niya matapos buksan ang pintuan at pinilit na hinanap ang daan palabas hanggang sa makaakyat siya sa deck. Nagsipaglingunan ang grupo ng lalaki sa gawi niya.
Noon lang napansin ni Prin na napapalibutan ang bangkang sinasakyan niya ng asul na tubig-dagat.