Tumayo mula sa malambot na kama si Mayu. Binalot niya ang katawan ng puting kumot at tinungo ang bilog na bintana sa cabin ni Captain Yeo. Karagatan ang bumungad sa paningin niya.
Tila walang buhay ang mata niya na maihahalintulad sa manikang de-susi. Walang kinang, walang buhay katulad ng pagkatao niya.
Nilingon niya ang dati niyang asawa na natutulog sa kama. Sa loob ng mga panahon na nawala siya sa tabi nito ay hindi nakaligtas sa kanya ang mga ginawa ng lalaki kaya nagkaroon siya ng poot sa puso niya para dito lalo na nang mabalitaan niya na nagkagusto ito kay Prin Matsui.
Tinanong niya ang lalaki tungkol doon at hindi ito nagdalawang-isip na umamin sa kanya ilang oras ang nakaraan.
Labing pitong taon ang nakaraan nang mahalin niya ang lalaking ito. Ramdam niya na noong mga panahon na iyon ay nagkaroon ng say-say ang buhay niya. Naramdaman niyang malaya siya at tao rin siya. Ngunit hindi niya akalain na ang lalaki rin ang sisira sa pagkatao niya.
Ayos na sana ang lahat dahil nakatakas siya sa poder ng lider nila na si Hiro Ikuta hanggang sa makita siya nito sa Greece. Bumalot ang kilabot sa buo niyang pagkatao nang magtagpo muli ang mata nila ng matanda. Ang tatay niya.
Gustuhin man niya o hindi, dumadaloy sa ugat niya ang dugo ng mga mapanlinlang na tao. Akala niya noon ay iniwan siya ng Mama niya na isa pang lider ng sindikato, kaya nagawa niyang magrebelde at magalit sa mundo pero napag-alaman niya noong disisyete anyos siya na ninakaw siya ni Hiro Ikuta sa babae at pinaintindi sa kanya ang panget ng buhay para gamitin ang husay at talino niya.
Nang malaman niya ang katotohanan, nagalit siya sa tatay niya na gustong paghariin ang mundo. Para bang isang masokista ang may-edad na lalaki tuwing makakakita ng mga taong nasasaktan o mga taong naghihirap.
Nagkataon na nakilala niya si Captain Yeo nang mga panahon na iyon kaya nabuo ang plano niya na tumakas sa samahan at sumama dito.
Hanggang sa ma-trace siya ng matanda. Hindi naman nakapagtataka lalo at marami itong tauhan na magagaling sa larangan ng teknolohiya.
"I told you honey that you belonged to me. Sinuway mo ang pinaka-golden rule. Mukhang hindi klaro ang usapan natin noon. Mukhang hindi ka natatakot sa akin" sabi nito sa kanya. Matalim ang titig nito na parang kutsilyo na tumatarak sa pagkatao niya.
"Hindi mo rin naman sinunod ang pangako mo sa akin na hahanapin mo ang nanay ko!" sagot niya dito.
"Your Mom is a s.l.u.t! She doesn't want you. Do you know where she is? 'Ayun at nakikipaglampungan sa kung kani-kanino. Ahh... yeah! Hindi mo nga pala alam." parang nang-iinis na sabi.
"Listen Honey, makikinig ka sa utos ko. You will follow my lead or I will kill your man using the bomb you created" nakangisi ang may edad na lalaki noon na parang sinapian ng demonyo. Nakatingin pa ito sa barko ng Maria Celeste 1 na nakatigil sa dagat habang sinasabi ang saloobin nito.
Nakaramdam siya ng takot dahil alam niya na hindi ito nagbibiro.
"Ano sa palagay mo ang mararamdaman ng lalaking iniibig mo kung sakaling malaman niya na isang terorista ang babaeng minahal niya at hindi totoong nagdadalang-tao?"
Tumiim ang bagang ni Mayu at tila patalim ang mga tingin na ipinukol sa lalaking kinamumuhian niya.
"Mayu, you don't have any ovaries now dahil pinatanggal mo 'yon apat na taon ang nakaraan. Alam mo na walang lalaki na gugustuhin ang manatili sa babaeng hindi sila kayang bigyan ng kahit isang supling..." tapos tumingin ito sa tiyan niya.
"...Kaya mo nga nagawa na magpanggap na nagdadalang-tao hindi ba?" ngumisi ito.
Napayuko si Mayu noon dahil sapul na sapul nito ang mga ginawa niya. Isang halimaw talaga ang tingin niya dito. Kaya nang mga panahon na iyon, nag-produce siya ng dalawang libong syringe ng capsule bomb at iniwan niya sa dating asawa, tulad ng utos sa kanya ni Hiro Ikuta.
Nitong mga nakaraang taon, hindi niya akalain na masaya pala ang trip ng tatay niya, ang makarinig ng mga taong umiiyak at humihingi ng tulong. Ang makakita ng minamasaker na mga pamilya. Parang isang kasiyahan sa pagkatao niya na makita ang mga sumasabog na ulo dahil sa capsule bomb na gawa niya.
Isang nakakalokong ngiti ang lumitaw sa labi niya. Kaya nagbalik siya sa barko na iyon para maghiganti.
Narinig niya na naubos na ni Captain Yeo ang lahat ng syringe na may lamang capsule bomb at oras na para sa final stage.
"Mayu?"
Naging seryoso siya muli na ibinalik ang pag-amo ng mga mata saka nilingon ang dating asawa dahil tinawag nito ang pangalan niya.