Chapter 244 - Serious Engagement (1)

Name:Love Me, My Prince Author:Feibulous
Bago umalis sa Paris, nagrequest na si Mat-mat ng singsing sa pinsan niyang si Baba o mas kilala sa pangalang Penelope sa publiko, isang high-end na raketera. Isang jewelry designer, painter, gym instructor, pianist, teacher, vlogger /blogger at kung anu-ano pa ang trabaho nito. Sa babae rin galing ang engagement ring ni Bella. 

Nakakaloko lang na parang hindi siya sineseryoso ng pamilya niya. 

Ganito ang mga komento ng pamilya niya nang sabihin niya sa mga ito na magpunta sa bahay nila Donna para mamanhikan:

"Sigurado si Donna na pakasalan ka?" komento mula sa Daddy niya. 

"Honey, huwag kang magbiro. Nagd-drugs ka na ba ngayon kaya nagh-hallucinate ka na?" komento mula sa Mommy niya. 

Alam kasi sa kanila na naghiwalay sila ng dalaga. Naglasing pa nga siya noon sa New York at hinamon ng suntukan ang Statue of Liberty. Dahil sa kalasingan, napagtripan siya ng mga lokong kabataan kaya sa kulungan ang bagsak niya. 

Matapos iyon, nagpatuloy na muna siya mag-aral. Kaya hindi niya masisisi ang Mommy niya na mag-isip ng masama. 

Ang kapatid naman niya na teenager na babae ang siyang nag-congrats sa kanya. Ayos na sana, kaya lang, nasa kikitain nito ang nasa isip nito at wala sa pagpapakasal niya. 

"Congratulations Kuya! Magkano ang ibibigay na dowry ni Ate Donna sa akin?" 

Nagmana talaga sila ng kapatid niya sa magulang niya. Mabuti na lang at sinusuportahan siya ng ate Baba niya. Ibibigay nito sa kanya ang engagement ring na dinisenyo nito nang nakaraang buwan lang, kapalit ng trabaho. Ang hanapin ang matindi nitong basher sa online. 

2 karats ng diamond ring kapalit ng napakadaling gawain na hanapin ang basher nito sa vlog. 

=====

Nagpara ng taxi si Donna at Mat-mat sa Airport pauwi sa bahay ng dalaga. Hindi pa alam sa bahay nila na nagkaayos na sila ni Mat-mat dahil gusto niyang sorpresahin ang mga magulang niya na mas excited pa na ibugaw siya sa binata.

Ilang buwan na naghihintay ang mga ito na magkaayos sila at sigurado na mas matutuwa ang mga ito kapag nalaman na may plano silang magpakasal. 

Bahagya siyang kinakabahan. Hindi kasi niya alam kung paano ipapaliwanag na nagkaayos na sila ng binata. 

Ilang oras pa, huminto ang sinasakyan nila sa harap ng bahay nila Donna. 

Masasabi na malaki kumita ang pamilya nila pero nananatiling normal ang pamumuhay nilang tatlo. Kalahati sa kinikita ng magulang ni Donna ay napupunta sa charity. 

Simula pa lang bata ay nakagawian na nila ang ganoong gawain. 

Naunang bumaba si Mat-mat ng taxi para kunin ang mga bagahe nila ng nobya niya habang si Donna ang nag-doorbell sa bahay. 

Ilang saglit lang, nagbukas ang gate ng bahay nila Donna at nanlaki ang mata niya nang makilala ang taong nagbukas nito. 

"Mamang? Mamang!!! Ahhh!!!" napatili siya nang makilala ang lola niya. Nanay ng Mommy niya na probinsiyana. 

"Ay Donna! Ikaw pala iyan iha, akala ko kung sinong maganda." ngumiti ito ng pagkalapad-lapad. Nasa otsenta anyos na ang matanda. Kaunting-kaunti na lang ay matatanggal na ang pustiso nito sa sobrang pagkakangiti. 

Limang taon din kasi silang hindi nagkita ng matandang babae kaya siguro hindi siya nito nakilala agad. Nagmano siya rito saka niyakap niya ito ng mahigpit. 

"Kailan ka pa dito, Mamang?" usisa niya at tumuloy na sa pagpasok. Bigla niyang nakalimutan na may kasama siyang Mat-mat pauwi doon sa bahay dahil sa excited siya na nakita niyang muli ang matanda. 

Dahan-dahan lang ang paglakad ni Donna dahil may walking stick na hawak ang lola niya at hindi nito kaya maglakad ng mabilis kaya nakaalalay pa siya dito sa pagpasok. 

Nakakunot ang noo ni Mat-mat na sumunod habang hila-hila ang lahat ng bagahe. Tumutunog ang gulong ng luggage na bitbit ng binata sa sahig habang papasok sa bahay. 

"Aba'y noong isang araw pa. Wala ka nga raw dito sa bahay sabi ng Mommy mo. Ano ba 'yon? Ka-ingay!" nilingon nito ang binata sa likod. 

Sinundan rin ni Donna ng lingon ang binata. 

"Aba'y may pumasok sa bahay!" usal ng lola niya

"Ahh… Mamang, hindi po siya ibang tao. nobyo ko po yan, si Matthew." pakilala ni Donna. 

"Mateo?" 

Dahil sa pangalan na binanggit niya, napasilip sa bintana ang Daddy ni Donna. 

"Huh? Matthew! Ikaw ba yan, anak?! Honey, si Matthew nga, narito sa bahay!"

Habang papalabas ang magulang ni Donna. Naniningkit ang mata ng lola ni Donna na sinisino ang binata mula ulo hanggang paa. 

Sa hindi malaman na dahilan ni Mat-mat, napalunok siya sa paraan ng tingin nito sa kanya. Para bang dumadaan siya sa scanner at tinitingnan kung may depekto ba siya. 

Maliit lang ang lola ni Donna na nasa apat na talampakan at walong pulgada, nakasuot ito ng saya at blusa na may pulang balabal. 

Lumapit ang magulang ni Donna sa kanila na tuwang tuwa. 

"Matthew, ikaw nga yan iho!" tuwang tuwa ang Daddy niya na makita muli ang binata. 

"Hello po" 

"nagkabalikan na nga kayo? Totoo?" paninigurado ng Mommy niya. 

"Opo." Napakamot sa ulo si Mat-mat 

"Ang totoo po… hihingin ko po sa inyo ang kamay ni Donna" biglang nakaramdam ng hiya ang binata. 

Namula naman ang pisngi ni Donna. 

"Wow! Syempre payag kami na makasal kayo, kailan ba yan? Bukas na?" 

"Hindi ako papayag!" napalingon silang lahat sa maliit at matandang babae. 

"Donna, huwag kang magpapakasal kay Marco nang hindi yan dumadaan sa tamang proseso." 

"Ahhh.. Sino po si Marco?" tanong ni Mat-mat. 

Pinalo siya nito agad sa binti ng bitbit nitong walking stick. "Aba'y damuho ka! Sino pa ba? E, di ikaw!" 

Napangiwi na lang si Mat-mat sa biglang pag-atake na iyon ng matanda.