Mas pinili ni Mat-mat na mag check-in sa hotel dahil pakiramdam niya ay hindi rin siya makakatulog sa bahay ng nobya niya. Pakiramdam niya ay nakamasid sa kanya ang mata ng matandang babae at parang babangungutin siya kapag maiisip ang hawak nitong walking stick.
Wala na ang apartment na nabili niya nang nagdaang taon dahil binenta niya iyon matapos silang maghiwalay ni Donna. Hindi rin naman kasi niya akalain na babalik siya ng Pilipinas kaya sa isang hotel siya tumuloy.
Plano niya na bumili ng mas malaking bahay na kakasya sa kanilang dalawa ni Donna at sa mga future babies nila. Para siyang tanga na napapangiti kahit mag-isa.
Nilapat niya lang ang katawan sa higaan at hinila ng antok dahil sa pagod.
May dalawang oras lang yata nang magising siya dahil parang may kulang sa higaan niya. Namimiss niya ang yakap ng kanyang My Loves. Nagdadalawang isip siya kung tatawagan niya ito.
Naisip niya na tawagan na lang si Kai na hindi niya alam kung nasaan na sa mga oras na iyon.
Matapos lang ang ilang ring, sinagot nito agad ang tawag.
"Yes, Manyak Mat?" bungad nito.
"Kai Jang, kailangan ko ng tulong. May laban kami ng shooting range ng lola ni Donna bukas" bungad ni Mat-mat.
"Shooting range? At ng lola ni Donna?" naguluhan ito sa sinabi niya.
"Yes. Akala ko kasi mapapabilis ang kasal namin ni Donna, My loves. Akalain mong dumating 'yung asungot niyang mamang at bibigyan ako ng tatlong pagsubok. Ang unang pagsubok, kailangan ko daw siyang talunin sa shooting range!" mga hinaing niya.
Bumuntong-hininga si Kai sa kabilang linya. "Manyak Mat, tingin ko binabawi ng tadhana ang mga kalokohan na ginawa mo noon. Masyado ka kasing mapusok at kung saan-saan sumusuot kaya ngayon tuloy pinarurusahan ka. Lagot ka" pananakot pa nito.
Nakaramdam siya ng inis dito.
"Pwede bang bigyan mo na lang ako ng payo? Ito talaga ang rason ng pagtawag ko, Okay?"
Tumawa na lang sa kabilang linya si Kai. "Fine! Unang payo, huwag kang kakabahan sa paghawak ng armas. Pangalawa, isipin mo na puso ng mga taong nasa paligid ni Donna ang bulls eye, and you are aiming to get it. Pangatlo, kailangan mong magpahinga ng mabuti dahil maayos na kaisipan ang key para makakuha ng mataas na puntos. Kaya nga mas makabubuti sa iyo kung matutulog ka na, para maayos ka mag-isip. Hindi 'yung puro kamanyakan ang nasa utak mo"
"Excuse me, hindi na ako manyak noh!"
"Talaga?" paninigurado nito.
"hmmm… Kaunti na lang…"
"Gagu! O siya, umiiyak na 'yung anak ko" paalam ni Kai.
"Ha? Ikaw ang nag-aalaga ng baby n'yo? Nasaan si Bella?" pagtataka ni Mat-mat.
"Hayun, kasama si Prin at Sandra. Girl bonding daw para i-celebrate ang kasal ng shogun. Kaya malamang na si Shi din ang House husband sa kanila. Nakansela ang pag-alis namin dito at bukas na lang kasi aalis."
Siguro kung noon niya kausap si Kai, baka nagtaas ang kilay niya sa sinabi nito na ang mga ito ang nagbabantay sa kani-kanilang mga anak. Sino ba ang makakapag-isip na magbabantay ng isang taon na baby si Kai at Cally?
Pero sa ngayon, naiintindihan ni Mat-mat ang respeto ng dalawang lalaki sa mga asa-asawa nito. Bigla tuloy niyang namiss ang nobya niyang si Donna.
May nag-doorbell sa pinto kaya kumunot ang noo niya. "O, siya. Paalam na" sabi niya sa kaibigan.
Matapos maibaba ang tawag, tinungo niya ang pinto at nabigla siya na makita si Donna.
Gumaan ang pakiramdam niya na makita ito lalo na at naiisip niya pa lang ang dalaga ilang segundo lang bago matapos ang pag-uusap nila ni Kai.
May dala itong paperbag at inaabot sa kanya.
"Hello, Love. Pinapunta ako ng palihim ni Mommy para dalhan ka ng dinner" sabi nito.
Hinablot niya ang dalaga sa loob ng kwarto at niyakap ito. "I miss you, My Loves. Nalulungkot talaga ako. Mabuti at dinalaw mo ako dito".
Hindi pa nga siya nakakabawi sa sampung buwan na paghihiwalay nila nito. Kasi naman si Lola, malakas maka-nega sa relasyon.
Ang totoo, hindi rin mapalagay si Donna sa bahay. Nasanay na siya na katabi si Mat-mat sa pagtulog sa loob ng ilang araw. Kaya pumayag kaagad siya na sundan ito sa hotel na iyon. Mabuti na lang at sinabi nito kung nasaan ito at kung saang kwarto ito tumutuloy.
Umupo lang sila sa mahabang couch. Nasa unahan niya ang dalaga na parang kayakap ang isang teddy bear. Pinatong niya ang baba sa balikat ng dalaga. Sana ganito lang sila palagi. Wala nang iwanan na magaganap.
"Ayoko nang kumain. Matulog na lang tayo para maaga ako bukas sa meeting place ng lola mo."
Napangiti ang dalaga sa nadinig. Mukhang sineseryoso nito ang hamon ng lola niya. "Thank you sa pag-unawa sa lola ko, Matty."
"...pero sana yung kamay mo wala sa b.o.o.b.s ko."
"Huh? B.o.o.b.s ba iyon? Sorry, na-carried away lang ako"