Nakita naman ni Cally na maayos ang lagay nila sa maliit na tahanan na iyon.
Nakakuyom ang kamao niya habang nakatingala sa itim na kalangitan. Talaga namang hindi pa umaayon ang panahon sa lagay nila sa kasalukuyan.
Sa sobrang lamig ng lugar, may lumalabas ng usok sa bibig niya habang humihinga. Bahagya na rin na nagd-dry ang labi niya.
Bilang nakatakdang lider, nakasalalay sa balikat niya ang kaligtasan ng lahat, hindi lang ng pamilya niya kundi ang buong samahan. Hindi niya hahayaan na magtagumpay si Gon Peter sa plano nito. Nagtatago sa dilim ang lalaki at parang terorista rin kung umasta. Kaya kailangan nilang maligtas sa pagsubok na iyon.
Kailangan niyang labanan si Mayu sa kalokohan na ginawa nito. Sigurado siya na nakarating na rin sa mansyon ang pagka wala nila at sigurado rin siya na hahanapin sila nito.
Pumasok siya sa loob ng maliit na tahanan matapos masiguro na ligtas sila doon. Nakaramdam na rin siya ng lamig.
Sa loob ng maliit na tahanan, tanging ang liwanag lang mula sa fireplace ang nagbibigay ng ilaw. Gayunpaman, hindi siya nahirapan na makita ang asawa at anak niya sa isang sulok.
Nang makita ang mag-ina niya na nakabalot ng makapal na fleece sa isang gilid, nakaramdam ng init sa dibdib si Cally.
His wife and his child are the best gift that he received sa loob ng mga panahon na nabubuhay siya. Prin was just enough, but he is blessed to have Khalid as an extra gift from above.
Nilapitan niya ang dalawa saka binuhat si Prin na bitbit ang anak nila malapit sa apoy para hindi ito lamigin.
"Ayos lang kayo?" Tanong niya sa tatlong Dark Guards na pare-parehas na tahimik at parang ayaw gumawa ng ingay.
Tumango lang ang tatlo.
"Magpahinga muna ang lahat." utos niya sa mga ito.
"Shi, ang daya mo may kayakap ka e, kaya mas maiinitan ka. Tapos hindi lang isa, dalawa pa" komento ni Joen.
"Magyakapan din kayong tatlo, problema ba iyon?" sagot niya.
Nilingon nito si Bob. Umamba agad ito ng kamao.
"Subukan mo lang" pananakot nito kay Joen. Nakanguso naman si Joen na inayos na lang ang makapal nitong jacket para ibalot sa katawan nito.
Naaaliw tuloy si Cally. Nagawa pa na mag-commercial ni Joen sa gitna ng hindi nila magandang lagay.
"Shi, matanong ko lang. Pa'no mo nga pala nalaman na itim na sasakyan at puro galing sa airport ang mga may bomba?" tanong muli ni Joen.
Curious naman ang dalawa pang kasama nito na tumingin din sa kanya at naghihintay ng sagot.
"'Yung unang sasakyan na sumabog, kasabay natin iyon mula sa airport. 'Yung mga sumunod pa, napansin ko na may mga bagahe na nagsiliparan dahil sa pagsabog. Sa kung bakit itim ang target nila… dahil majority ng mga sasakyan sa bansa ang dark colors. Bibihira dito ang makukulay na kulay ng kotse bukod sa mga gamit sa car racing."
"Ang hindi ko lang alam ay kung paano nakalusot sa inyo ang bomba na nasa sasakyan natin" lihim niyang pinagagalitan ang mga ito.
Sabay-sabay naman na napakamot sa ulo ang tatlong Dark Guards.
"Sorry Shi, masyado kaming naging kampante" si Joen ang sumagot bilang siya ang mas mataas ang rank sa kanilang tatlo.
"Hindi na dapat mangyari ito sa susunod. Paano pala kung ang sasakyan natin ang unang sumabog." paalala ni Cally.
Hindi nakasagot ang tatlo dahil guilty sila sa bagay na iyon.
"O sya, magsitulugan na ang lahat dahil maaga pa tayo bukas." huling sinabi niya bago tumabi sa asawa't anak para bumawi ng lakas.
=====
Naghihilik pa si Joen nang may dumikit na malamig na bagay sa ilong niya.
"uhggmm…" ungol niya tapos ay tinanggal ang bagay na iyon sa ilong niya habang nakapikit tapos kinamot niya pa ang ilong niya dahil bahagyang nangati.
Hindi pa nga yata lumalagpas ng dalawang segundo nang bumalik ang malamig na bagay na iyon sa ilong niya.
Sa inis niya ay bigla niyang minulat ang mata para makita kung ano ang bagay na iyon. Malabo pa ang naaaninag niya sa simula hanggang sa luminaw ang mga paningin niya.
Nanlaki ang mata niya dahil isang mahabang armas ang nakatutok sa kanya na hawak ng isang matandang lalaki.
Nakasumbrero ito na gawa sa dayami, punit-punit na ang mga gilid dahil sa kalumaan. Nakasuot ito ng bubble jacket na itim. Medyo may katabaan, makapal at namumuti na ang kilay katulad ng balbas nito.
Agad niyang kinalabit ng malakas ang balikat ng katabi na si Bob.
"Ano ba, Putsang gala naman o!" nagalit na sabi nito pero natahimik din agad nang makita ang lalaki na may hawak ng mahabang armas.
Hinanap ni Bob ang bag niya at nakaramdam agad siya ng inis nang wala na sa tabi niya ang bag niya na naglalaman ng maaari nilang gamitin laban sa matanda at nakasukbit na iyon sa balikat nito.
Sila ang mas malapit sa pintuan ni Joen kaya siguro sila ang unang pinuntirya nito.
Pilit niyang hinawakan ang mahabang armas paangat saka sinipa ng ubod lakas ang matanda sa binti nito para ma-off-balance ito at maagaw niya ang armas. Ang problema, nanatili itong nakatayo na parang hindi man lang iniinda ang malakas na tira niya.
Lalong lumaki ang mga mata nila ni Joen. Ngumiti ang matanda ng pagkatamis-tamis na para bang natuwa ito sa reaksyon nila.
"Shiii… Gising!" hindi alam ni Joen kung malakas ba ang pagkakatawag niya sa master nila o mahina.