Tinungo ni Rob ang lugar na sinabi ng tauhan niya.
Nang malapit na siya sa lugar na binigay nito, nagtago na muna siya sa likod ng mga sasakyan. Nakarinig siya ng mga kaluskos saka niya sinilip kung saan nagmumula ang ingay.
Nakita niya ang isang binatilyo na may kinakalkal sa bag na siyang tinutukoy ng kasama niya. Nakasuot ito ng jacket na halatang hindi nito pag-aari dahil mas malaki iyon kumpara sa katawan nito. Nakaharap ito sa gawi niya kaya kita niya ang anyo nito. Ngunit hindi siya nito napapansin dahil busy ito sa pagkalkal sa bag.
Sa tingin niya, nasa edad dose or trese lang ang edad nito. Pansin niya na payat at mukhang malnourished ang katawan nito kahit pa nakasuot ito ng makapal na jacket.
Napansin niya ang kasama niya sa likuran nito na nagtatago rin sa isa sa mga sasakyan. Alerto rin at naghihintay sa gagawin ng binatilyo.
"Boy" may tumawag sa binatilyo at sigurado siya na hindi niya tauhan ito. Sabay sila ng kasama niya na hinanap ang nagmamay-ari ng boses.
"Be Alert." bulong niya sa earpiece na nakakabit sa tenga niya para sa mga kasama. Parang bluetooth headset iyon na gamit nila para sa koneksyon.
Sinilip muli ni Rob ang binatilyo at nakatingala na ito para tingnan ang kung sino man na tumawag dito. Hindi niya nakikita ang lalaking bagong dating dahil nagtatago ito sa kabilang bahagi ng sasakyan kung saan din siya nagtatago.
"Nag-iisa ka?"
Nakita niya na tumango ang binatilyo.
"Gusto mong sumama sa akin?" tanong muli ng hindi kilalang tao.
Hindi sumagot ang binatilyo, hindi rin ito tumango. Walang maramdaman si Rob na kapahamakan mula sa binatilyo ngunit hindi sa taong nasa kabilang bahagi ng sasakyan.
"Halika…" tila isang ahas ang nagsasalita sa pandinig niya at nag-aaya ng manok na kakainin.
Nakita niya na napaatras ang binatilyo at bakas ang takot sa mukha nito. Nakita niya rin ang matigas na pag-iling nito ng paulit-ulit. Ilang saglit pa, lumitaw sa paningin ni Rob ang patalim at pulsuhan na may marka ngunit hindi ang mukha ng lalaki.
"Be ready" bulong muli niya para sa kasama. Inaabangan niya ang susunod na kilos ng lalaking bagong dating.
Hindi naman nagtagal at lumitaw ang bulto ng isang lalaki na nakajacket ng gray. Nakatupi ang sleeve nito hanggang sa siko. Hindi niya nakikita ang mukha nito dahil natatakpan ng hood na jacket. Nakasuot ng nangitim na dating kulay puting snickers.
Mabilis itong lumapit sa binatilyo at akmang sasaksakin ito.
"Hahhhh!!!" sumigaw ang binatilyo dahil sa sobrang takot. Nagsimula na rin na lumabas ang luha nito.
Mabilis ang pagkilos ni Rob na nilapitan ang dalawa saka sinipa ang lalaking may hawak na patalim patagilig. natumba naman ang lalaki at napadapa sa isang sasakyan. Mabilis ito na tumakbo papalayo sa kanya. Hindi nakita ni Rob ang mukha nito.
"Team, habulin niyo! Nakajacket ng gray. Medium built" sabi niya sa mga kasama.
Natatakot na niyakap ng binatilyo ang sarili nito at tumingin kay Rob habang umiiyak. Nilingon niya lang ito saglit at nagkatitigan sila nito. Saka siya nagbigay ng utos habang hinahabol ang lalaking nakajacket ng gray.
"A1, pakibantayan ang binatilyo." utos niya. Dahil isa itong survivor, hindi niya ito hahayaan na mamatay.
Sigurado si Rob na isang terorista ang nakajacket na gray at gusto nitong patayin ang binatilyo.
Nakita naman niya na lumapit ang lalaki na may code na A1 sa binatilyo nang lumingon siya. Pinagpatuloy niya ang pagtakbo para habulin ang lalaki. Lumiko ito, kumanan at sumuot sa kung saan-saan sa mga nagsitauban na sasakyan.
Patuloy lang sa paghabol si Rob hanggang sa nawala na lang ito sa paningin niya. Nanggigigil sa inis si Rob dahil nawala na parang bula ang lalaking naka-jacket ng gray.
"Putang--" hindi niya matuluy-tuloy ang pagmumura niya.
Nasuntok na lang niya ang isang sasakyan. Kung pwede lang na makisali siya sa pagpapasabog sa buong lugar na iyon masiguro lang na mapunta sa impiyerno ang miyembro ng Hantataiga na nakita niya.
"Boss, nakita ko na ang grupo ng rescuers. 500 meters mula sa bungad" sabi ng isang kasama niya.
"A1, dalhin mo ang binatilyo doon." utos muli ni Rob habang patuloy na pinakikiramdaman ang paligid.
Nakasisiguro siya na nasa paligid pa ang lalaki na naka-jacket ng gray. Kapag nakita niya ito, hindi talaga siya magdadalawang isip na saksakin ito sa leeg.