Chapter 265 - Made in France (1)

Name:Love Me, My Prince Author:Feibulous
Lumipas ang dalawang linggo na natahimik ang bansa matapos ang mga pagsabog. Ngunit hindi ibig sabihin na tahimik ang mundo nila Cally. 

Minamanmanan nila ang kilos ng Hantataiga kasabay ng pagprepara nila sa kasal ni Mat-mat. Hindi nakaligtas sa kanila ang balita na nasa bandang South ang barko na Maria Celeste 1.

Gayunpaman, hindi nila alam ang eksaktong lugar o isla kung nasaan ito kaya ang grupo ni Rob ang nakatoka para hanapin ang barko ni Captain Yeo. 

=====

Hindi naman maiiwasan na sumama ang loob ni Donna. Normal naman sa mga babae na mapraning. 

Napurnada kasi ang pagpunta ng pamilya ni Mat-mat sa bahay nila. Ang masama wala pang binibigay sa kanya ang binata kahit engagement ring, at inabot na iyon ng ilang linggo.

Nakadagdag pa ang ilang linggo na hindi niya ito makausap ng matino dahil busy ang nobyo niya sa issue ng Hantataiga. Ang pumapasok tuloy sa malikot niyang kaisipan ay pinagt-tripan lang siya ni Mat-mat.

Sinubukan siyang tawagan nito isang gabi.

"Hello My Love. I'm home!" masayang bungad nito sa kanya sa telepono. 

May ilang araw din niya na hindi nakita ang binata. Mabuti at nakabalik na ito ng Maynila.

"Mabuti naman at nagawa mo pa akong tawagan. Kilala mo pa ba ako, Matty?"

"Donna My Love, I'm sorry na. Kinailangan kasi ako ng pamilya ko." kakamot-kamot ito sa kabilang linya. Hindi nito masabi na umaatake na naman ang pagkamanang niya kaya nagsisimula na naman siya na magsuplada.

"I don't want to talk to you anymore, Matty" singhal niya saka ito binabaan ng telepono. 

Bigla naman siyang naiyak matapos niya itong babaan ng telepono. "Hu hu, you stupid pervert!"

Pinunasan na lang niya ang mga luha. Naiinis tuloy siya sa sarili. Hindi niya maintindihan kung bakit mabilis na sumama ang loob niya sa mga bagay-bagay at nagse-self pity na rin siya. Wala na ang Donna noon na mataray, suplada at walang pakialam. 

Kasalukuyan na nasa hapag siya para maghapunan at walang gana nang bumaba ang Mamang niya. Hindi pa ito nakakabalik sa probinsiya. Nagsimula itong maghiwa ng prutas para gawin juice. 

Hindi niya alam kung bakit punung-puno siya ng kalungkutan nang mga oras na iyon. 

Siguro dahil namiss niya ng sobra si Mat-mat. Ilang saglit pa, humikbi si Donna. Nilingon tuloy siya ng matandang babae. 

"Aba'y Donna? Anong nangyayari? Bakit ka umiiyak, apo?"

Pinunasan niya ang luha. "Wala po. Napuwing lang" pagdadahilan niya. 

"Napuwing ba ika mo? Hindi ba yan dahil kay Mateo?"

"Hindi po Mamang." kapag nalaman nito na pinaiyak siya ng nobyo niya ay sigurado na magagalit na naman ito sa binata. Kaya naman mas pinili niyang magsinungaling.

"May sakit ka ba anak? Halika nga dine" kinawayan pa siya nito. Bilang mas nakababata, siya ang lumapit sa matanda at umupo siya sa katapat nitong silya. 

Hinipo nito ang noo niya. 

"Aba! Mainit ka apo." Ibinaba nito ang palad at sinalat-salat naman ang leeg niya.

"Aba'y! Umamin ka nga Donna. Ikaw ba ay buntis?!" 

Napaawang ang labi niya sa bigla. Bigla niyang naisip na hindi pa siya dinadatnan ni Tita Flo. Naisip rin niya ang mga pagbabago sa mood niya nitong mga nakaraan. Mabilis uminit ang ulo niya at malulungkutin. Pero wala siyang ganang kumain. 

Nakagawa nga ba siya ng 'Made in France' na baby? 

Biglang nakaramdam ng saya si Donna. Nasa isip niya na kasi na baka mahirapan siya na mag buntis dahil may edad na siya. At hindi niya talaga inaasahan na ganun kabilis siya na mabubuntis.

"Aba'y buntis ka nga!" sinusuri nito ang pulsuhan niya. 

"Sino ang ama ng apo ko sa tuhod, si Marco ba?! Kaya ka ba umiiyak ay dahil ayaw kang panagutan ng damuhong lalaki na iyon?" biglang nagalit ang lola niya tulad ng inaasahan. 

"Hi-hindi po ako buntis." Mas pinili niyang magsinungaling kahit pa hindi siya sigurado sa bagay na iyon. Ngunit alam din niya na tama ang hinala ng matandang babae. 

"Huwag ka ng magdahilan pa! May plano ba si Rodrigo na pakasalan ka?" 

Donna "..." 

"Sino po si Rodrigo?" sabad ng bagong dating. 

Bigla silang napalingon ng matandang babae sa pintuan ng kusina at nabigla siya na makita si Mat-mat na may bitbit na kumpol ng sunflowers. 

"Aba'y Damuho kang bata ka! Sino pa ba, kundi ikaw?" nagagalit ang lola ni Donna dito. 

"Si Matthew po siya Mamang. Okay lang po ba kung kakausapin ko si Matty?" hiling ni Donna sa matanda. Mukhang kailangan niyang sabihin sa binata na malakas ang pakiramdam niya na nagdadalang-tao siya. 

"Dine lang ako at igagawa kita ng juice. Ano ba ang gusto mo, Iha?" bigla na naman ang pagbabago ng lola niya. 

Naisip ni Donna ang mga prutas na hiniwa nito. Kung totoo na buntis siya, kailangan niya ng prutas at gulay. 

"Pashake na lang po ako kung ano po ang iinumin ninyo, Mamang" 

"O siya, sige" sagot nito saka nito inirapan si Mat-mat. Nagpunta ito sa likuran nila para gawing juice ang mga prutas. 

Inabot ni Matthew ang bulaklak sa kanya saka nagsimula na maglitanya. 

"Donna…" 

*brrrrrrrrr* *brrrrrrrr* (Kasabay ng mga litanya ni Mat-mat ang tunog ng juicer.)

Hindi naintindihan ni Donna ang mga sinabi nito pero biglang naglabas ng singsing ang binata at sinuot iyon sa palasingsingan niya. 

Saglit na pinatay ng lola ni Donna ang juicer at sinalin sa baso. 

"Oh Love. I'm so happy!" halos maiyak na sabi ng dalaga. 

Sabi nga your action speaks louder than words. Hindi man niya narinig ang mga sinabi nito, Ipinakita naman nito sa kanya kung ano man ang sasabihin nito. 

Nagsalin muli ng prutas ang lola ni Donna. 

"I'm happy Love, because…" 

*brrrrrrrr* *brrrrrrrrrr*

Kasabay din ng pag-amin ni Donna na buntis siya ang paggalaw ng juicer sa likod. 

Naniningkit ang mata ni Mat-mat habang binabasa ang labi ng nobya niya. 

Huminto ang juicer. 

"Ano iyon ulit, Love?" nakakunot ang noo ni Mat-mat. 

"Sabi ko…" 

*brrrrrrrr* *brrrrrrr*

Sa ikalawang pagkakataon, walang narinig si Mat-mat at puro ingay ng juicer blade ang naririnig niya. Nilingon na nito ang matanda sa likod. 

Huminto muli ang juicer. Natahimik si Mat-mat dahil sa pagkainis. 

Iba naman ang naging dating nito kay Donna. Iniisip ng dalaga na ayaw ni Mat-mat ng baby kaya ito nakasimangot. 

Biglang umiyak ang dalaga.

Mat-mat "..."

Bigla rin ang pag-ikot ng matanda dahil sa biglaang pag-iyak ni Donna at naniningkit ang mata na biglang pinalo nito ng sandok na kahoy ang binata. 

"Aba'y Damuho ka! Bakit mo pinaiiyak ang apo ko?!" 

Napangiwi si Mat-mat dahil sa biglaan na naman na pag-atake ng matanda. 

Sa totoo lang, wala siyang naintindihan sa lahat ng nangyayari.