Chapter 269 - Left out

Name:Love Me, My Prince Author:Feibulous
Sa sama ng loob ni Prin, nagsimula na lang siya na tumakbo sa palibot ng mansyon. Gusto niyang patunayan kay Cally na malakas siya at kaya niya. 

Gusto niya ring intindihin si Cally pero nananaig ang sama ng loob niya sa sitwasyon. Hindi niya maintindihan ang nais nito.

Did he forget she was a Dark Guard and this was actually her battle? Bakit bigla siyang natanggal sa listahan ng lalaban? 

*huff huff* 

Hindi alam ni Prin kung gaano na siya katagal na tumatakbo sa palibot ng Matsui Mansion at kung ilang kilometro na iyon. Nakapokus kasi ang utak niya sa sama ng loob sa asawa. 

Sa mga oras na iyon ay hindi niya alam kung nakaalis na ang asawa niya papuntang barko ni Aiden. 

She wanted to cry. Hindi man lang nito nagawa na ipaintindi muna sa kanya ang nangyayari bago ito magdesisyon. 

Kinuha ni Prin ang katana na pag-aari ni Rob Matsui sa kwarto ng magulang niya. Ibubuhos niya na lang ang galit at oras sa training. Nagpalit siya ng Dark Guard suit. 

Tulad ng mga nakasanayan niya, mas gusto niya na mag-training sa labas ng mansyon kung katana ang pag-uusapan. 

Tulad din ng nakagawian, sinimulan niya ang pagsasanay sa pakikiramdam sa paligid. Pumikit siya at dinama ang hangin, ang ulap, ang kakaunting sinag ng araw, ang lamig ng snow at mga halaman. 

"Hahhhhh!!!" saka niya sinimulan na iwasiwas ang japanese sword sa hangin na akala mo ay isa iyong kalaban. 

Makalipas ang hindi niya alam kung gaano katagal, nagbutil-butil na ang pawis ni Prin. Nagsisimula na rin siyang makaramdam ng pagod at nagsisimula na rin na sumakit muli ng ulo niya. 

Huminto siya saglit. Tinusok niya ang dulong patalim ng espada sa sahig. Hawak niya ito ng mahigpit na para bang kumukuha muli siya doon ng lakas. Habang mabibigat ang mga paghinga niya. 

Aminin o hindi ni Prin, nakaramdam siya ng panghihina. 

Matapos ang ilang minuto, nakarinig siya ng kaluskos sa kumpol ng mga halaman sa isang parte kaya bigla siyang napatigil. Nakiramdam si Prin kung may tao doon. Kakaunti lang ang tao sa mansyon sa kasalukuyan at hindi siya magtataka kung may spy sa paligid para manmanan sila. 

"Sino yan?!" malakas na tanong niya. 

Dahil may hawak siyang katana, mas malakas ang loob niya na lapitan ito. 

Dahan-dahan siyang lumapit patungo sa kumpol ng mga halaman saka iyon hinawi. 

Isang babaeng sugatan ang bumungad kay Prin. Nakasuot pa ito ng puting destida na bahagyang namantsahan ng dugo at puro putik. 

"Tu-tulungan mo ako…" nanghihina na sabi nito. 

Nilingon ni Prin ang paligid. Wala siyang makita na kasama nito pero hindi ibig sabihin ay buo ang tiwala niya sa babae. 

Nasa burol at tagong lugar ang Matsui Mansion. Hindi iyon daanan ng sasakyan at hindi basta-basta ang daan patungo sa kanila. Intensyon na tinutungo ang mansyon nila kaya paanong nangyari na may naligaw na babae sa labas ng tahanan nila? 

Paanong nakarating doon ang babae?

Tinutok niya dito ang armas. "Sino ka?" 

Halatang natakot ito kay Prin. 

Noon lang din niya napansin na parehas sila ng hugis ng mata ng babae. Mapagkakamalan na nakababatang kapatid niya ito sa unang tingin kaya saglit siyang natigilan. 

"Hindi ako masamang tao… Isa akong Byrne..." 

Binawi ni Prin ang armas sa nadinig. Isa sa pitong pamilya ng Dark Lords ang Byrne na pamilya ni Apolo. Ang nagpapalakad ng mga libu-libong hotel sa buong mundo. 

Halos hindi na makapagsalita ang babae. "I want… water" 

Naging hudyat iyon para akayin ni Prin ang babae. Pinatong niya ang braso nito sa balikat niya saka sila pumasok sa mansyon. 

Normal na harangin ng Matsui Guards ang babae kahit pa akay ito ni Prin ganoon kahigpit ang lugar na iyon. 

"Joo (Miss), sino siya?" tanong ng isa. Hinarang ng mga ito ang braso sa kanila. 

"Sagot ko siya. Isa siyang Byrne." sagot ni Prin. 

"...Tulungan niyo ko na ipasok siya sa mansyon at tumawag kayo ng doktor" 

Sinunod naman siya ng mga ito ngunit hindi sa main building ng mansyon, kundi sa wing kung saan nakatira ang mga maid at guards. 

Pinansin ni Prin ang galos ng babae habang bitbit ito ng isang guard. 

Namumula ang dalawang pulsuhan nito na ibig sabihin ay ilang araw nang nakagapos ang babae. May mga marka rin ng pasa sa binti at pasa sa pisngi. 

Gayunpaman nasa iisang tanong ang isip ni Prin. Paano napunta ang babae doon?