Chapter 277 - Never be longer friends

Name:Love Me, My Prince Author:Feibulous
Kasalukuyang naghahapunan si Captain Yeo at ang asawang si Mayu sa dining hall ng Maria Celeste 1 nang abalahin sila ng mabibigat na yabag.

Mainit ang ulo ng kapitan na nilingon ang pintuan. Nakita nila na papalapit si Casper sa kanila.

"Anong kailangan mo?" sigaw niya dito.

"Narito muli si Kai Jang. May regalo siya sa iyo at sigurado na matutuwa kayo ni Mayu." pagbibigay-alam nito.

Matalim ang mga mata ng kapitan at tila sinusuri ang kanyang kanang-kamay kung nagsasabi ba ito ng totoo.

"Siguraduhin mo na ikatutuwa ko talaga iyan." Banta ng kapitan. Pinunasan nito ang bibig ng table napkin saka sumunod kay Casper patungo sa deck.

Nakataas ang kilay ni Mayu na sumunod sa kanyang asawa.

Iniisip niya kung ano na namang klaseng regalo ang matatanggap nila ngayon. Ilang saglit pa, sumilay ang ngiti sa kanyang labi nang makita ang bagong regalo ni Ana o ang nagpakilala sa kanila na Kai Jang.

Kasalukuyan na wala pa ring malay si Prin. Nabigla si Captain Yeo nang muling makita ang babae na nakahiga sa bench na gawa sa kahoy at kasalukuyang natutulog katabi ng lumuluhang si Yuna.

"Gisingin niyo siya!" utos ni Mayu sa mga kasama.

Hindi na nag-atubiling nagsalok si Casper ng isang timbang tubig sa dagat at agad na binuhos iyon sa mukha ni Prin.

Lumakas naman ang pag-iyak ni Yuna. Parang nalunod naman si Prin sa tubig-alat at napasinghap.

"Hah!" *cough* *cough*

Basang-basa ang mukha ni Prin at bahagya niya pang nalasahan ang alat.

Hindi pa niya napansin kung saan siya nandoon nang una hanggang sa makita niya ang mga kasamang pirata noon. Nakakuyom ang kamay na dahan-dahan niyang nilingon ang mag-asawang Captain Yeo at Mayu.

Bahagya pang nananakit ang katawan niya at ang ulo niya sa mga oras na iyon. Natanong niya ang sarili kung nawalan na naman ba siya ng malay.

Napapadalas ang mga oras na nawawalan siya ng malay at hindi niya maiwasan na maisip kung may sakit ba siya.

Wala naman siyang makitang emosyon kay Captain Yeo habang nakatitig sa kanya. Matapos ang isang taon, heto na naman siya sa barko na pitong taon niyang sinuka pati na ang pagmumukha ng lalaki.

"Ha ha ha! That was the funniest reaction I had seen in my life tsk tsk!" Sabi ni Mayu na may halong pang-iinis sa kanya.

Matalim ang tingin na ipinukol ni Prin sa babae. Hindi siya nahirapan na kilalanin si Mayu dahil tulad ng mga naririnig niya, parang nababaliw na ito at swak ang babae sa deskripsyon ng lahat.

Nilingon niya sa kabilang side ang kaibigan na si Ana. Mula sa pagmamahal na nararamdaman niya dito ay napalitan na iyon ng galit at pagkasuklam.

Totoo nga ang kasabihan na mag-ingat minsan sa matalik na kaibigan dahil sila pa yung madalas na manuklaw sa 'yo na parang ahas. Sa mga oras na iyon ay hindi niya na talaga kilala ang babae.

Napansin niya rin na umiiyak si Yuna sa tabi niya dahil sa sobrang takot. "Stop crying…" sabi niya dito.

Pinilit ni Prin na tumayo kahit may hilo siyang nararamdaman. "Ano ang kailangan niyo sa akin?" Tanong niya para sa lahat.

Tahimik si Ana at hindi makatingin sa kanya. Pinilit na iwaksi siya sa isipan nito.

"Isang daang milyon" sabi ni Ana sa mag-asawa. Hinihiling ni Ana na bayaran siya ng isang daang milyon kapalit ni Prin.

Ngumisi lang si Mayu kay Ana. "I never expect that Prin Matsui could be so worthy" makahulugan na sabi nito at halos pailalim na tiningnan si Prin.

"Hmm… kung ganoon, bakit kayo nanghingi ng isang bilyon kapalit niya nang nakaraang taon?" Makahulugan na sagot ni Ana sa babaeng terorista bago sumilay ang ngisi sa labi.

Tulad niya, alam niyang pera lang din naman ang hanap ng mag-asawa. Pare-parehas lang sila.

"You!" Nangigigil na saad ni Mayu kay Ana.

"I'll pay!" Sabad ni Captain Yeo sa dalawang babae. Sinenyasan nito si Casper. Ilang saglit pa ay may dalang gold bar si Casper at inabot kay Ana.

Malapad naman ang pagkakangiti ng huli. Sino bang hindi matutuwa sa isang daang milyon?

"Ana…" tawag ni Prin sa kaibigan matapos nitong tumalikod.

"...sana ay hindi mo ito pagsisihan. Hindi lilipas ang bente kwatro oras at alam kong babawian ka ng mga kasama ko." Banta ni Prin.

Sasabihin niya sana ang "mga kasama natin". Pero naisip niya na simula ng dinala siya doon ng kaibigan at maisip na ibalik siya sa kamay ni Captain Yeo ay tuluyan na nitong pinutol ang kung ano man na ugnayan nilang dalawa pati sa mga kasama.

Hindi na sumagot pa si Ana. Para makaiwas, mabilis itong naglakad pabalik sa yate na dala at gamit nito para ihatid siya doon.

Hinarap siya ni Mayu nang mawala si Ana sa paningin niya.

"Dalhin siya sa judgement plank!" Utos nito. Halata na gustong-gusto na siyang tirisin ng babae at halos ayaw nang palipasin pa ang oras na patayin siya.

"No! Dalhin siya sa kulungan!" Utos ni Captain Yeo.

Tumiim ang bagang ni Mayu at nakipaglabanan ng titig kay Captain Yeo. Matalim ang paningin ng babae habang ang kapitan ay naguguluhan.

Ngayon na nakabalik muli si Prin sa poder ng Maria Celeste 1, tila nabagabag niya ang tahimik na naman na mundo ng lalaki. Ngayon na parehas na nasa iisang lugar si Prin at Mayu, hindi na maramdaman ng kapitan ang malalim na pagmamahal nito kay Mayu.

"Fine! May bukas pa, mas maganda nga iyon para mas kita ko ang pagkain sa kanya ng mga pating" Si Mayu rin ang nag-give up sa mag-asawa ngunit halata na hindi ito nasisiyahan sa desisyon nito

Mabilis naman na hinila ni Casper si Prin papasok sa loob ng barko.