Mas matanda ng ilang taon si Prince Hanz kay Lorenz, sa palagay niya nasa kwarenta na ang lalaki.
Nakangisi si Prince Philip nang pumasok sa kwadra ng mga kabayo si Lorenz at Prince Hanz. Kaya lalong lumakas ang pakiramdam niya na may pinaplanong iba talaga ang prinsipe.
Hindi naman siya tanga at naghanda talaga siya para sa kaligtasan niya bago nagpunta doon.
"You can now choose your horse." saad nito sa kanya.
Tumango lang si Lorenz.
"Perhaps this horse?" turo nito sa isang maliit at puting kabayo na nasa bungad. Halatang kinukutya siya nito.
Hindi niya ito pinansin. Walang panahon si Lorenz sa mga galaw na pang-isip bata.
Mas gusto niya na pinapakita ang kakayahan ng isang tao sa kilos at gawa na natutunan niya kay Rob Matsui. Ayaw niya ng maraming kuda na parang bakla.
Kung gusto nito na talunin siya kaya siya inimbitahan doon, marami siyang oras para harapin ito.
Isang itim na kabayo na may puting buhok ang nadaanan niya. Galit ito sa lahat ng lumalapit dito. Nilagpasan lang din Lorenz ang kabayo saka sinuri ang iba pang mga kabayo na naroon.
Ngunit wala siyang matipuhan sa lahat ng kabayo doon. Wala kasi siyang makita na kakayanin ang bigat niya bukod sa itim na kabayo na may puting buhok.
Sa pananaw ni Lorenz, hindi basta-basta ang pagpili sa kabayo. Kailangan na intindihin ang nararamdaman nito. Para lang din sa paghanap ng nobya, kailangan may koneksyon sa isa't-isa para madala ka nito sa paglalakbay.
Sa malaking tao na tulad niya, baka magwala lang ang iba pang mga kabayo hindi pa man siya sumasakay.
Sa Kent Mansion, may mga kabayo rin silang pinalalaki. Si Onyx na isang itim din na kabayo na may limang taon na niyang inaalagaan ang talagang nais niya pero wala ito sa lugar na iyon. Kaya walang magagawa si Lorenz kung hindi ang lapitan muli ang kabayong itim na may puting buhok para ito ang gamitin sa racing at hunting.
Tumigil siya sa tapat ng kulungan nito at sinubukan ito na lapitan.
"That is Domino. Mainitin talaga ang ulo niyan at walang magustuhan na kahit sino. Are you sure you want this horse?" tanong ni Prince Hanz.
Kilala ng lahat bilang masungit na kabayo si Domino. Panay ang halinghing ng kabayo na halatang inis ito lalo na at maraming tao ang pumasok. Para bang nagambala ang pahinga nito.
"I don't have a choice." mabigat ang mga muscle ni Lorenz sa katawan. Idagdag pa na mataas siyang lalaki.
"Pakilabas siya." hiling niya sa lalaki na tagapagbantay doon.
Alanganin man ito, sinunod pa rin siya nito.
Nakangisi naman si Prince Philip nang makita ang napili niyang kabayo bago tuluyan na lumabas sa kwadra na hila ang puting kabayo nito. Gusto nitong maliitin si Lorenz sa pagpili kay Domino.
Nang buksan ang kulungan. Tumalon ang kabayo ng mataas.
"Woh woh… calm down. I won't eat you"
Sinuri ni Lorenz ang katawan nito at doon napansin na hindi maganda ang pagkakapako at ng bakal na sapatos nito sa likuran.
"Pakiayos ang sapatos niya." saad ni Lorenz habang tinuro ang bagay na sinabi niya sa lalaki na tagapagbantay. Halatang nagulat ito.
"Ang totoo Sir, Hindi namin mapalitan ang sapatos dahil madalas siyang nagagalit sa amin." nag-aalangan na sabi nito.
"Ako ang pipigil sa kanya. Go! ayusin mo ang sapatos ng kabayo."
Tumango lang ang lalaki. Saka inayos ang mga kagamitan. Ilang saglit pa, naka-ready na ang lalaki para ayusin ang sapatos ni Domino.
Pinakalma ni Lorenz ang kabayo. Tiningnan niyang mabuti ang mata nito habang hinahaplos ang katawan. "You will be fine sooner."
"Haplusin mo muna ang binti niya." sabi niya sa lalaki.
Si Prince Hanz naman ay nanatili sa kwadra at pinanood ang mga kinilos ni Lorenz. Para bang ayaw na nito na lumabas muna dahil mas interesado ito kay Lorenz.
Nang aktong tatanggalin na ng lalaki ang pako sa paahan ni Domino, gusto ng huli na magwala at alam ni Lorenz na hindi kasi ito mapalagay.
Ginamit ni Lorenz ang katawan at lakas niya upang pigilin ang pagwawala ni Domino. "Calm down."
Kita niya ang namuong luha sa mata nito matapos matanggal ang pako at sapatos. "Calm Down, let me see" saad niya habang patuloy sa paghaplos dito.
Sinilip niya ang paa ni Domino. Nag-aalangan naman siya ngayon kung itutuloy niya pa ang pagsakay dito.
Hinilot niya muna ang paa ni Domino bago inutusan muli ang lalaki na ayusin ang paglagay sa sapatos.
Matapos maiayos ang sapatos nito, naging maamo naman ang kabayo sa kanya.
"Sir, I salute you. Salamat sa tulong dahil naayos din namin sa wakas ang sapatos niya." saad ng lalaki. Hindi kasi kayang pigilan ng mga tauhan doon si Domino dahil nauuna na ang pagwawala nito bago pa man mapalitan o ayusin ang sapatos.
"Wow! Napabilib mo ako!" puri ni Prince Hanz. Nilingon niya ang prinsipe. Hinid niya akalain na naroon pa ito sa kwadra.
"We have horses in U.K." simpleng sagot niya.
"Let's go then. Magsisimula na ang laban, baka isipin nila na nagback-out na tayo" mungkahi ni Prince Hanz.
Tumango si Lorenz saka kinausap muli si Domino. "Now it's time to pay me. Help me win."
Tinapik niya ang kabayo bago siya sumakay dito.